Ikalimang Araw
Itaas ang iyong noong aliwalas
Ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
Ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!
- Jose Rizal, Sa Kabataang
Pilipino
(A La Juventud Filipina), 1879
Naunang opisyal na gamitin ang mga katagang “Diliman Commune” sa publikasyon ng Bandilang Pula bilang pagtukoy sa mga kaganapan ng mga araw na iyon. May mga lumutang na pananaw na ito ay maihahalintulad sa Paris Commune noong 1871 kung saan nilahukan ito ng mga manggagawa at ng progresibong sektor ng lipunan, at naging inspirasyon sa konsepto ng sosyalismo sa Kanluran. Ang “commune” ay ginamit ni Mao Tse Tung upang baguhin ang lipunang Tsino tungo sa ideyolohiya ng komunismo noong dekada ng 1960. Gayundin, maaaring ginamit din ang “commune” bilang hudyat ng pagsuporta ng iba’t ibang sektor ng komunidad ng UP Diliman sa kilos-protesta, tulad na lang ng pagtulong ng komunidad ng Krus na Ligas at ng Balara sa barikada.
“Commune”
Salaysay ng Ikalimang Araw
Tagapagsalaysay: Sarah Elago
Pagpapalaya
Maraming posibilidad sa konsepto ng “commune” – lalo’t umaambag ito sa sama-samang pagkilos ng komunidad na may layunin na baguhin ang kamalian ng estado at bigyan ng kapangyarihan ang mga nasa ilalim ng lipunan sa hangarin na mapalutang ang kalayaan mula sa pang-aapi at kahirapan. Masasabing sa karanasan sa Diliman Commune nabuo ang kamalayan ng mga “communards” na humubog sa isang henerasyon ng mga iskolar ng bayan – mga kabataan ng dekada ‘70 - na isinakripisyo ang personal na buhay sa ngalan ng ideya ng kalayaan.
Ikaw na ang himig ay lalong mairog
Tulad ni Pilomel na sa luha’y gamot
at mabisang lunas sa dusa’t himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot.
- Jose Rizal, Sa
Kabataang
Pilipino
(A La Juventud Filipina), 1879