Tagpo

Ang pagmamapa ng mga kaganapan ng Diliman Commune ay ang pagkilala sa kahalagahan ng mga lugar na sangkot sa yugtong ito ng kasaysayan ng UP Diliman – mga lansangan, silid-aralan, opisina, dormitoryo, at mga pook sa loob ng kampus na naging espasyo ng engkwentrong pisikal at ideyolohikal. Bilang lunsuran ng kilos-protesta, hindi naglaon ay naging espasyo ito ng pagbubuwis ng buhay, ng paninindigan sa ideyolohiyang pinanghahawakan, ng tensyong pangkomunidad, at ng paggamit ng sining at agham upang “protektahan” ang kampus ng Diliman bilang kanlungan ng malayang kaisipan.

Tungkol sa Mapa

Ang mapa ay interaktibong aplikasyon na magpapakita ng mga kaganapan sa bawat araw mula ika-1 hanggang ika-9 ng Pebrero 1971. Ginamit ang dinisenyong mapa ng kampus noong dekada 1960-70 at ginawan ng rendisyong digital para sa eksibisyong birtwal. Sa perspektiba ng placemaking o proseso sa pag-unawa ng isang lugar, ang mga espasyo na ito ay hindi na lamang nanatiling pisikal na lugar, kundi sisidlan ng mga alaala ng siyam na araw noong Pebrero 1971 na nasa anyo ng mga kwento ng paggunita ng mga kalahok. Noon man o ngayon, sa mga lugar na ito masasabing pinanday ang diwa ng iskolar ng bayan.