Ika-anim na Araw

Itaas ang iyong noong aliwalas
Ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
Ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

- Jose Rizal, Sa Kabataang Pilipino
(A La Juventud Filipina)
, 1879

Matapos mabuo ang Provisional Directorate ng Diliman Commune, nagkaroon ng mas organisadong pagkilos sa loob ng barikada. Bagama’t panandaliang nahinto ang pormal na pag-aaral sa loob ng silid-aralan, minabuti ng mga estudyante na magdaos ng “teach-ins” at “discussion groups” doon mismo sa kinatatayuan ng mga barikada. Ipinagtibay ng mga aktibidades na ito ang pagpapalawig sa depinisyon ng edukasyon sa UP – na ang pag-aaral ay hindi na lamang nahuhubog sa loob ng silid-aralan na babad sa teorya, kundi sinasaliwan ng pagsusuri sa kalagayang panlipunan at karampatang pagkilos upang ito ay mapabuti at mapalaya.

Loob

Salaysay ng Ika-anim na Araw

Tagapagsalaysay: Rex Nepomuceno

Labas

Ang ganitong perspektiba ay tumawid na sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa UP – ang kritikal na pagsusuri batay sa teorya, perspektiba at konteksto ng Pilipinas – ay nakapaloob na sa mga silabus at programa ng pamantasan. Hinihimok ang mga iskolar ng bayan na bigyang-halaga ang mga kaalamang natutunan mula sa loob, gayundin ang kaalamang makukuha sa labas ng UP – mulat sa karanasan ng mas malaking sektor ng lipunan.

Ikaw, na ang diwa’y makapangyarihan
matigas na bato’y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo’y nagiging walang kamatayan.

- Jose Rizal, Sa Kabataang Pilipino
(A La Juventud Filipina)
, 1879