Ang Diliman Commune bilang sangandaan sa kasaysayan ng UP
Maaaring ituring ang Diliman Commune bilang “sangang-daan” ng kasaysayan ng UP – isang punto sa panahon na kung saan nagsanga ang direksyon at tunguhin ng mga kabataang estudyante noong dekada ‘60 at ‘70. At para sa ibang kabataan, naging tuluyan ang pagtahak nila sa landas ng pakikibaka. Sa panahong ito naging malakas na boses ang aktibismo bilang karapatan para sa malayang pagpapahayag; gayundin, itinuring ang aktibismo bilang responsibilidad ng kabataang Pilipino sa bayan. Sa panahong ito kinilala na ang pagkilos at ang pakikilahok sa isyung panlipunan ay integral sa edukasyon ng UP. Naikintal na ang tunguhin ng isang iskolar ng bayan ay paglingkuran ang bayan.
Para sa mga saksi sa panahong ito, ang huling bahagi ng dekada ‘60 ang naghubog sa isang ideyolohiyang nagmulat sa kabataang Pilipino: ang mga problemang pampulitika at pang-ekonomiya na kinatatampukan ng marahas na polisiya at pamamahala ni Ferdinand Marcos na nakabatay sa militarisasyon at pasismo, at ang neo-kolonyal na relasyon ng Pilipinas sa Amerika na nakikitang nagdudulot ng pagpapahirap sa buhay ng mga maralitang Pilipino.
Sa panahong ito, naging mitsa ang sunud-sunod na unday sa ekonomiya at pulitika sa pagliyab ng magkakasunod ding protestang isinagawa ng mga apektadong taumbayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Gamit ang kritikal na perspektiba na minana mula sa daluyong ng mga anti-imperyalista at anti-kapitalistang pakikibaka sa iba’t ibang dako ng mundo at katutubong tradisyong mapaghimagsik, binigyan ng malalim na pagsusuri ang kalagayan ng bayan ng mga kabataan at intelektuwal ng panahong iyon – kapwa mga guro at estudyante - na tinukoy ang pangangailangan sa kolektibong pagkilos upang makamit ang tunay na kalayaan. Sa panahon na ito napagtibay ang diwa ng isang uri ng nasyonalismo na nakakiling sa kapakanan ng masang Pilipino, na aagapay sa kung paano isusulat ang kasaysayan ng bansa, na bubuwag sa mga elitistang pagtingin sa sining, at lilikha ng mga alternatibong pag-iimahe sa Pilipinas na tunay na malaya sa kahirapan at pang-aapi.
Sariwa pa sa mga kilos-protesta ng Sigwa ng Unang Kwarter (First Quarter Storm) noong 1970 kung saan ilang buhay na ang nabuwis sa mga lansangan ng Kamaynilaan. Ang isinagawang barikada noong Pebrero 1 - 9, 1971 ay maituturing na yugto sa kasaysayan ng UP na nag-udyok sa mga miyembro ng komunidad na pagnilayan ang mga aral ukol sa mga kaganapan sa panahong iyon. Gayundin, ang Diliman Commune ang naghubog sa kaisipan sa panahong ito upang bigyan ng direksyon ang landas na tatahakin ng UP bilang tahanan ng mga iskolar ng bayan.
Mga larawan kuha ni Nori Palarca sa taong 1970-71. Siya ay nagsilbing photographer para sa Philippine Collegian, Diliman Review, at College of Arts and Sciences ng UP Diliman.