Ang Diliman Commune ay isang mahalagang bahagi sa kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas na kinapapalooban ng iba’t ibang uri ng engkwentro ng mga estudyante, mga guro, mga kawani, mga opisyal, mga pulis, mga politiko, mga residente ng kampus, at ng media, at kumakatawan sa iba’t ibang ideyolohiya at paninindigan na masasabing patuloy na nakakaapekto sa Unibersidad sa kasalukuyan.
Ang mga kalahok at saksi ng Diliman Commune ay nagtagpo sa mga barikada na itinayo sa mga lansangan sa kampus ng UP Diliman noong Pebrero 1 - 9, 1971. Sa okasyon ng ika-50 taon ng komemorasyon ng kasaysayan nito, ang eksibisyon ay naghahangad na maging tagpuan muli ng kasaysayan at ng perspektiba ukol sa mga naganap matapos ang limampung taon.
Sa pamamagitan ng arkibong pananaliksik, mga panayam, at mga likhang-sining, nilalayon ng eksibit na tipunin at pagtagpuin ang iba’t ibang boses ng paggunita tungkol dito.
Ano-ano ang mga nangyari?
Ano-anong mga lugar ang nilagyan ng barikada?
Sino ang mga kalahok dito at ano ang epekto nito sa buhay nila?
Ano ang epekto nito sa UP bilang institusyon?
Paano ito isasakonteksto sa kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo?
Sa pagharap sa mga tanong na ito, hinahangad ng eksibisyon na maglatag ng mga “saysay” na tematikal sa bawat paglalahad ng “salaysay” ng kaganapan. Bagama’t maaaring hindi pa rin kumpleto ang lahat ng posibleng pananaw tungkol sa Diliman Commune, kumikiling ang eksibisyon na mapaibabaw ang mga sagot sa mga tanong na “ano ang nabago sa UP pagkatapos ng mga kaganapan ng Pebrero 1971?” at “bakit mahalaga ang patuloy na paggunita sa Diliman Commune?”