Oblation Plaza, UP Diliman | 1 Pebrero 2021, 5:30 n.h.
Ang maikling programang ito ay isang taimtim na pag-alaala sa pangunguna o pagiging bahagi ng mga kabataan o estudyante upang mabigyang pansin ang lumalalang isyung panlipunan noong dekada ‘70. Nais ng komite ng paglulunsad na bigyang-pugay ang mga estudyante, isa na rito si G. Pastor Sonny Mesina, na nagbuwis ng kanilang buhay para sa adhikaing ito.
Gagawin ang programa sa harap ng Barikada, isang public art installation na dinisenyo ng multi-media artist na si Toym Imao. Itatampok ang mga awiting Unang Alay, Paglikas, at Internasyonal na aawitin nina Tapati at Gregg de Leon. Tutulain naman nina Boni Ilagan, Rowena Daroy, at Jose Dalisay, Jr. ang mga tula na Kung Kami’y Magkakapit Bisig ni Gelacio Y. Guillermo, Jr. at Mga Bukas na Liham sa mga Artistang Pilipino, mula sa An Open Letter to Filipino Artists ni Eman Lacaba na isinalin sa Filipino ni Boni Ilagan. Ang artistic director ng programa ay si Propesor Josefina F. Estrella.
Click to viewMga Putok
Binisita ng magiting na aktibistang Bonifacio Ilagan ang ilang espasyo sa kampus na naging lunan ng makasaysayang Diliman Commune. Samantala, naging pagbabalik din ito sa naratibo ng karaniwang estudyanteng mula sa simpleng pangarap na makapagtapos sa premyadong unibersidad ay nahimok sa pakikisangkot sa lipunan. Kasabay na nagbalik ang mga naratibo ng pakikisimpatya at paglaban.
Ang Commune
Mula sa lente ni Nori Palarca masisipat ang komunidad na bumubuo at bumuo sa Diliman Commune. Naging pagsasalaysay ito hindi lang ng isang opisyal na potograpo ng Philippine Collegian na naroon para sumaksi, kundi ng isang lehitimong communard din na nakiisa at namulat.
Kung Paano Gumawa ng Babaeng Mandirigma
Tinatahi ng magkakasamang tinig ng kababaihan ang naratibo ng kolektibong pakikibaka. Mayamang testimonya itong naggigiit na, sa kritikal na sitwasyon, umiigpaw ang babae sa sarili para akuin—kapwa ang iniatang at di-iniatang na gampanin sa isang babae. klasrum palabas, naging katuwang ang babae sa paghuhubog hindi lang ng Unibersidad kundi ng mismon lipunan.
Boses ng Malayang Komunidad
Mga salaysay ito ng paggigiit—at pagpapaigting—ng mga boses. Unang umalingawngaw sa mga kalsada ng kampus, na di naglao’y dumaloy sa mga makinarya ng media ng Unibersidad – DZUP. Nagpapatunay na mapagpalaya ang media na tumutugon at nagiging boses ng komunidad.
Mga Bakas ng Pagsisimula
Kinahapunan ng ikawalong araw ng Diliman Commune, naghapag ng pahayag si UP President Salvador P. Lopez, nagpapahiwatig ng posibleng pagbibitiw sa tungkulin sang-ayon sa ilang sirkumstansiya. Naging giya ito sa pagbabalik-tanaw ng ilang aktibong aktor sa pagwawakas ng makasaysayang pagkilos, at pagmumuni sa maaaring kabuluhan nito sa kasalukuyang kondisyon ng mga Filipino.
Episode 1: Mga Putok